Pakahulugan sa Unang Pagbigkas
Gaya ng sinabi ng Diyos, “Walang makatatarok sa ugat ng Aking mga salita, ni mauunawaan man nila ang layunin sa likod ng mga iyon.” Kung hindi sa pamamagitan ng paggabay ng Espiritu ng Diyos, kung hindi sa pamamagitan ng pagdating ng Kanyang mga salita, lahat ay mapapahamak sa ilalim ng Kanyang pagkastigo. Bakit ba sinusubok ng Diyos ang tao nang napakatagal? At kasingtagal ng limang buwan? Ito ang pangunahing punto ng ating pagsasamahan gayundin ang pinakapunto ng karunungan ng Diyos. Maaari nating ipalagay ang ganito: Kung hindi sa pamamagitan ng pagsubok na ito, at kung wala ang pagsalakay ng Diyos, pagpatay, at pagtibag sa tiwaling sangkatauhan, kung ang pagtatayo ng iglesia ay nagpatuloy hanggang ngayon, kung gayon ay ano ang makakamit niyan? Kaya sa unang linya ng Kanyang pagsasalita, ang Diyos ay dumidiretso sa punto at ipinaliliwanag ang ninanasang epekto ng gawain sa loob ng mga buwang ito, at ito, masakit mang sabihin, ay tumpak! Ipinakikita nito ang karunungan ng mga gawa ng Diyos sa loob ng sakop ng panahong ito: pagtuturo sa mga tao upang matutunan ang pagpapasakop at taos-pusong dedikasyon sa pamamagitan ng pagsubok, gayundin ang kung paano mas mauunawaan ang Diyos sa pamamagitan ng masakit na pagpipino. Habang mas nawawalan ng pag-asa ang mga tao, mas nakakaya nilang maunawaan ang kanilang mga sarili. At upang sabihin ang katotohanan, habang mas masakit ang pagpipinong kanilang kinakaharap, mas nakakaya nilang maunawaan ang kanilang sariling katiwalian, at habang pinagdadaanan nila ito nalalaman pa nila na sila ay hindi karapat-dapat na maging isang ‘taga-serbisyo” para sa Diyos, at ang pagganap sa ganitong uri ng serbisyo ay pinaparangalan Niya. Kaya’t sa sandaling ito ay makamit, sa sandaling nasaid ng isang tao ang kanyang sarili, binibigkas ng Diyos ang mga salita ng habag, hindi patago bagkus ay kitang-kita. Maliwanag na pagkatapos ng ilang buwan, ang bagong[a] pamamaraan ng gawain ng Diyos ay nagsisimula ngayon; ito ay malinaw upang makita ng lahat. Sa nakaraan, malimit na sinabi ng Diyos “hindi madaling makamit ang karapatang matawag na Aking bayan,” kaya habang tinutupad Niya ang mga salitang ito sa mga taong tinutukoy bilang mga taga-serbisyo, maaaring makita ng lahat na ang Diyos ay maaaring mapagkatiwalaan nang walang anumang kamalian. Lahat ng sinasabi ng Diyos ay magkakatotoo sa magkakaibang antas, at ang Kanyang mga salita ay hindi kailanman walang laman.