Interpretasyon ng Ikalabindalawang Pagbigkas
Kapag nakikinig ang lahat ng mga tao, kapag napapanibago at napapanumbalik ang lahat ng mga bagay, kapag nagpapasakop sa Diyos nang walang kundisyon ang bawa’t tao, at handang balikatin ang mabigat na pananagutan ng pasanin ng Diyos—ito ang kung kailan lumalabas ang kidlat-silanganan, tinatanglawan lahat mula Silangan hanggang Kanluran, sinisindak ang buong lupa sa pagdating nitong liwanag; at sa sandaling ito, muling sinisimulan ng Diyos ang Kanyang bagong buhay. Ibig sabihin, sa sandaling ito nagsisimula ang Diyos ng bagong gawain sa lupa, ipinahahayag sa mga tao ng buong sansinukob na “Kapag ang kidlat ay lumabas mula sa Silangan—na siyang tiyak ding sandali ng Aking pagbigkas—sa sandaling ang kidlat ay dumating, ang buong kalangitan ay magliliwanag, at ang lahat ng mga bituin ay nagsisimulang mag ibang anyo.” Kaya, kailan ang oras na lumalabas ang kidlat mula sa Silangan? Kapag nagdidilim ang kalangitan at lumalamlam ang lupa iyon din ang kung kailan itinatago ng Diyos ang Kanyang mukha mula sa mundo, at ang mismong sandali na malapit nang maligalig ang lahat sa ilalim ng kalangitan ng malakas na bagyo. Sa oras na ito, natataranta ang lahat ng tao, nangatatakot sa kulog, natatakot sa kislap ng kidlat, at lalo pang nasisindak sa pagdaluhong ng delubyo, anupa’t nagpipikit ng kanilang mga mata ang karamihan sa kanila at naghihintay na ilabas ng Diyos ang Kanyang poot at pabagsakin sila. At habang nagaganap ang iba’t ibang mga kalagayan, agad na lumalabas ang kidlat-silanganan. Na ibig sabihin, sa Silangan ng daigdig, na pinagsisimulan ng patotoo sa Diyos Mismo, kung kailan Siya nagsisimulang gumawa, kung kailan nagsisimulang ilapat ng pagka-Diyos ang soberanong kapangyarihan sa buong lupa—ito ang kumikinang na silahis ng kidlat-silanganan, na sumisinag kailanman sa buong sansinukob. Kapag naging kaharian ni Kristo ang mga bansa sa lupa iyon ang kung kailan paliliwanagin ang buong sansinukob. Ngayon ang panahon kung kailan lumalabas ang kidlat-silanganan: Nagsisimulang gumawa ang Diyos na nagkatawang-tao, at, higit pa rito, nagsasalita nang direkta sa pagka-Diyos. Masasabing kapag lumalabas ang kidlat-silanganan ang kung kailan nagsisimulang magsalita ang Diyos sa lupa. Mas tiyak, kapag dumadaloy mula sa trono ang buháy na tubig—kapag nagsisimula ang mga pagbigkas mula sa trono—ay eksaktong kung kailan tiyak na nagsisimula nang pormal ang mga pagbigkas ng Espiritung maka-pitong-ulit. Sa oras na ito, nagsisimulang lumabas ang kidlat-silanganan, at dahil sa pagkakaiba sa oras, nagkakaiba-iba rin ang antas ng pagliliwanag, at mayroon ding limitasyon sa saklaw ng kaningningan. Nguni’t habang kumikilos ang gawain ng Diyos, habang nagbabago ang Kaniyang plano—habang nagiiba-iba ang gawain sa mga anak at ng mga tao ng Diyos—lalong ginaganap ng kidlat ang likas na tungkulin nito, anupa’t nililiwanagan ang lahat sa buong sansinukob, at walang nananatiling latak o linab. Ito ang pagbubuu-buo ng 6,000-taong planong pamamahala ng Diyos, at ang talagang bunga na tinatamasa ng Diyos. Hindi tumutukoy sa mga bituin sa kalangitan ang “mga bituin”, kundi sa lahat ng mga anak at mga tao ng Diyos na gumagawa para sa Diyos. Dahil nagpapatotoo sila sa Diyos sa kaharian ng Diyos, at kinakatawan ang Diyos sa kaharian ng Diyos, at dahil mga nilalang sila, tinatawag silang “mga bituin.” Tumutukoy sa mga pagbabago sa pagkakakilanlan at katayuan ang mga pagbabagong nagaganap: Nagbabago sila mula sa mga tao sa lupa tungo sa mga tao ng kaharian, at, higit pa, kasama nila ang Diyos, at nasa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos. Dahil dito, humahawak sila ng soberanyang kapangyarihan na kahalili ng Diyos, at nalilinis ang kamandag at mga dumi sa mga ito dahil sa gawain ng Diyos, sa kahuli-hulihan ay ginagawang angkop para sa paggamit ng Diyos at naaayon sa puso ng Diyos—na isang aspeto ng kahulugan ng mga salitang ito. Kapag nililiwanagan ng silahis ng liwanag mula sa Diyos ang buong lupain, magbabago sa magkakaibang antas ang lahat ng mga bagay sa langit at sa lupa, at magbabago rin ang mga bituin sa langit, magpapanibago ang araw at ang buwan, at kasunod na magpapanibago ang mga tao sa lupa—na siyang kabuuan ng lahat ng mga gawaing nagawa ng Diyos sa pag-itan ng langit at lupa, at hindi kataka-taka.