Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | Ang mga Katapusan para sa Iba’t-ibang Uri ng mga Tao at ang Pangako ng Diyos sa Tao
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naintindihan mo na, kung gayon ay ipinapayo Ko sa iyo na magpasakop nang masunurin sa pagiging hahatulan, kung hindi, hindi ka na magkakaroon pa ng pagkakataon na mapapurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Silang mga tumatanggap lamang ng paghatol subali’t hindi kailanman maaaring madalisay, iyon ay, silang mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay magpakailanmang kamumuhian at itatakwil ng Diyos. Ang kanilang mga kasalanan ay lalong marami, at lalong mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagka’t pinagtaksilan nila ang Diyos at mga rebelde laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat magsagawa ng paglilingkod ay makatatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, isang kaparusahan na higit pa ay walang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subali’t ipinagkanulo rin Siya. Matatanggap ng gayong mga tao ang kagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito isang tiyak na pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao at pagbubunyag sa kanya? Dadalhin ng Diyos ang lahat ng gumaganap ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng mga masasamang espiritu, hinahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang mga katawang laman ayon sa kagustuhan. Ang kanilang mga katawan ay mangangamoy-bangkay, at gayon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawa’t isa sa mga kasalanan nilang mga hindi-tapat at huwad na tagasunod, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; at pagkatapos, kapag tama na ang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng mga maruruming espiritu, hinahayaan ang mga maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa kagustuhan, upang hindi na sila kailanman maaaring muling magkatawang-tao at hindi na kailanman muling makita ang liwanag. Yaong mga ipokrito na nagsipaglingkod minsan nguni’t hindi nakapanatiling tapat hanggang katapusan ay ibinibilang ng Diyos sa mga makasalanan, nang sa gayon lumakad sila sa payo ng makasalanan at maging bahagi ng kanilang magulong karamihan; sa katapusan, wawasakin sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o nag-alay ng anumang pagsisikap, at wawasakin silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, lalong hindi makapapasok tungo sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos nguni’t napilit ng kalagayan sa pakikitungo sa Kanya nang paimbabaw ay ibibilang doon sa mga taong naglingkod para sa Kanyang bayan. Maliit na bilang lamang ng gayong mga tao ang mananatiling buháy, samantalang ang karamihan ay mamamatay kasama ng mga ni hindi kwalipikadong magsagawa man lamang ng paglilingkod. Panghuli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian lahat niyaong kapareho ng isipan ng Diyos, ang mga tao at mga anak-na-lalaki ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Ang gayon ay ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. At para sa mga yaong hindi mapapabilang sa mga kategoryang inilatag ng Diyos, sila ay ibibilang kasama ng mga hindi sumasampalataya. At tiyak na inyong maguguni-guni kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung alin ang landas na inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maintindihan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay para sa sinuman na hindi nakasasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng kaawaan sa sinumang tao.
mula sa “Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan”
sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao