Ang Ikadalawampu’t-pitong Pagbigkas
Hindi kailanman nahipo ng pag-uugali ng tao ang Aking puso, ni hindi Ko kailanman naisip bilang mahalaga. Sa mata ng tao, laging mahigpit ang pagtrato Ko sa kanya, at lagi Kong pinapatupad ang awtoridad sa kanya. Sa lahat ng mga gawain ng tao, babahagyang bagay lamang ang nagawa para sa Akin, halos walang anumang nakatayong matatag sa Aking harapan. Sa huli, guguho sa harapan Ko nang hindi nahahalata ng lahat ng mga bagay na nauukol sa tao, at magiging maliwanag lamang sa ganoong panahon ang Aking mga gawain, makikilala Ako ng lahat ng tao dahil sa sarili nilang kabiguan. Ang kalikasan ng tao ay nananatiling hindi nagbabago. Kung ano ang nasa kaibuturan ng kanilang puso ay hindi alinsunod sa kalooban Ko— hindi ito ang kinakailangan Ko. Ang pinakakinamumuhian Ko sa lahat ay ang kasuwailan ng tao at ang kanyang pagbabalik sa dati, ngunit ano kayang kapangyarihan ang nag-uudyok sa kanila para magpatuloy sa pagiging banyaga sa Akin, upang manatiling nasa malayo, para hindi makakilos ng alinsunod sa Aking kalooban sa harapan Ko at sa halip tutulan Ako sa Aking likuran? Ito ba ang kanilang katapatan? Ito ba ang pag-ibig nila para sa Akin? Bakit hindi sila magsisi at maisilang na muli? Bakit magpakailanmang ginugusto ng mga tao ang mabuhay sa ilat sa halip na sa isang lugar na walang putik? Maaari kayang trinato Ko sila ng masama? Maaari kayang ipinahamak Ko lamang sila? Maaari kayang inakay Ko sila sa impiyerno? Lahat ay nagnanais manirahan sa “impiyerno.” Kapag dumating ang liwanag, kaagad na nabubulag ang kanilang mga mata, dahil ang lahat ng bagay na naimbak nila doon ay nagmumula sa impiyerno. Gayunman, sila’y ignorante sa mga ito, at tinatamasa lamang nila ang mga “makademonyong kasiyahan.” Niyayakap pa nila ang mga ito bilang mga kayamanang malapit sa kanilang mga dibdib na may matinding takot na aagawin Ko ito mula sa kanila, iiwan silang walang mapagkukunan ng kabuhayan. Takot ang mga tao sa Akin, kaya nananatili silang malayo mula sa Akin at namumuhing lumapit sa Akin kapag Ako’y dumating sa lupa, sapagkat ayaw nilang “gumawa ng gulo para sa kanilang mga sarili,” ang nais nila sa halip ay mapanatili ang isang mapayapang buhay pamilya upang matamasa nila ang “kaligayahan sa lupa.” Subalit hindi Ko maaaring pahintulutan na matupad ang kanilang mga kagustuhan, sapagkat ang pagsira sa kanilang mga pamilya ang dahilan kung bakit Ako nandito. Mula sa sandali ng Aking pagdating mawawala ang kapayapaan sa kanilang mga tahanan. Guguluhin Ko ang lahat ng mga bansa, kasama na ang mga pamilya. Sino ang kailanman makaliligtas mula sa Aking pagkakahawak? Paanong yaong mga nakatanggap ng mga pagpapala ay maaaring makaligtas sa bisa ng kanilang hindi kagustuhan? Paano makukuha kailanman ng mga taong nagdurusa sa pagkastigo ang Aking pakikiramay sa bisa ng kanilang takot? Sa lahat ng Aking mga salita, nakita ng mga tao ang Aking kalooban at mga gawa, ngunit sino ang maaaring kailanman makakaligtas mula sa gusot ng sarili niyang mga saloobin? Sino ang maaaring kailanman makahanap ng isang paraan upang makaalis mula sa loob o labas ng Aking mga salita?