Mga Aklat ng Iglesia ng Makapangyarihang Diyos | 1. Dapat Mong Malaman ang Pinagmumulan ng Pagsalungat ng Mga Tao sa Bagong Gawain ng Diyos sa Kanilang Pananampalataya sa Diyos.
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Ang dahilan kung bakit sumasalungat ang tao sa Diyos ay nagmumula, sa isang banda, sa masamang disposisyon ng tao, at sa kabilang banda, sa kamangmangan tungkol sa Diyos at sa kakulangan ng pag-unawa sa mga prinsipyo ng gawa ng Diyos at ng Kanyang kalooban patungo sa tao. Ang dalawang aspetong ito ay nagsasama upang maging iisang kasaysayan ng paglaban ng tao sa Diyos. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay sumasalungat sa Diyos dahil ang pagsalungat ay nasa kanilang kalikasan, samantalang ang pagsalungat sa Diyos ng mga mananampalayatang may maraming taon na sa paniniwala ay bunga ng kamangmangan nila tungkol sa Diyos, samahan pa ng kanilang masamang disposisyon.
mula sa “Ang Lahat ng Hindi Kilala ang Diyos ay Yaong Sumasalungat sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang bawa’t isa sa tatlong mga yugto ng gawain ay isinasakatuparan salig sa naunang yugto; hindi ito isinasakatuparan nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Kahit na mayroong mga malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at uri ng gawain na isinasakatuparan, sa ubod nito ay ang kaligtasan pa rin ng sangkatauhan, at ang bawa’t yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa nauna. Ang bawa’t yugto ng gawain ay nagpapatuloy mula sa saligan ng huling sinundan, na hindi binuwag. Sa ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi naluluma, ang Diyos ay laging nagpapahayag ng aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi kahit kailan naihahayag sa tao, at laging ibinubunyag sa tao ang Kanyang bagong gawain, at ang Kanyang bagong kabuuan, at kahit na ang mga relihiyosong konserbatibo ay gawin ang sukdulan para labanan ito, at hayag na sinasalungat ito, ang Diyos ay laging gumagawa ng bagong gawain na hinahangad Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at dahil dito, ito ay laging sinasalubong ng pagsalungat ng tao. Gayon din, ang Kanyang disposisyon ay laging nagbabago, tulad ng kapanahunan at mga tagatanggap ng Kanyang gawain. Bukod dito, Siya ay laging gumagawa ng gawain na hindi pa kailanman nagawa noong una, at nagsasakatuparan din ng gawain na sa tao ay tila sumasalungat sa gawain na natapos na dati, upang salungatin ito. Ang kaya lamang ng tao ay tumanggap ng isang uri ng gawain, o isang uri ng pagsasagawa. Mahirap para sa tao ang tumanggap ng gawain, o mga paraan ng pagsasagawa, na laban sa kanila, o mas mataas sa kanila—nguni’t ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng bagong gawain, at sa gayon ay lumilitaw ang pangkat-pangkat ng mga dalubhasa sa relihiyon na kumokontra sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay naging “mga dalubhasa” tiyakang dahil ang tao ay walang kaalaman tungkol sa kung paano ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman naluluma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at, higit pa rito, walang kaalaman sa maraming mga paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos na masabi ng tao kung ito ay gawain na galing sa Banal na Espiritu, at kung ito ay gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa pag-uugali na, kung ito ay umaayon sa mga naunang salita, kung gayon tinatanggap nila ito, at kung mayroong mga pagkakaiba sa mga naunang gawain, kung gayon sinasalungat at tinatanggihan nila ito. … Alamin na sinasalungat ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ang inyong sariling mga pagkaintindi upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil hindi ninyo siniseryoso nang husto ang gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong pagsalungat sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga pagkaintindi at likas na kayabangan. Hindi ito dahil sa ang gawain ng Diyos ay mali, kundi dahil kayo ay likas na mga napakasuwail.
mula sa “Ang Pag-alam sa Tatlong mga Yugto ng Gawain ng Diyos ay ang Daan Patungo sa Pagkilala sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Sapagka’t laging mayroong mga pagsulong ang gawain ng Diyos, kaya mayroong bagong gawain, at kaya mayroon ding gawain na lipas at luma na. Itong luma at bagong gawain ay hindi nagkakasalungat, bagkus ay magkaugnay; bawat hakbang ay sumusunod sa nauna. At dahil may bagong gawain, ang lumang mga bagay ay tiyak na dapat maalis. Bilang halimbawa, ang ilan sa mga matagal nang pagsasagawa at kinasanayang kasabihan ng mga tao, kasama na ang mga napakaraming karanasan at mga turo, ay bumuo ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi sa kaisipan ng tao. Nguni’t mas angkop sa pagkakabuo ng gayong mga pagkakaintindi ng tao ay ang 'di pa ganap na pagbubunyag ng Diyos ng Kanyang mukha at likas na disposisyon sa tao, kaalinsabay ng pagkalat, sa loob ng maraming taon, ng mga tradisyunal na teoriya mula sa sinaunang panahon. Makatuwirang sabihin na sa buong panahon ng paniniwala ng tao sa Diyos, ang impluwensya ng iba’t-ibang pagkaintindi ay nagbigay-daan sa patuloy na pagkabuo at pagsulong ng isang kaalaman sa tao na kung saan ay mayroon siya ng lahat ng uri ng mga pagkaintindi ukol sa Diyos—na nagresulta sa maraming relihiyosong tao na naglilingkod sa Diyos ang naging mga kaaway Niya. At kaya, habang lumalakas ang mga relihiyosong pagkakaintindi ng mga tao, lalo lamang nilang kinakalaban ang Diyos, at mas lalong nagiging mga kaaway ng Diyos. Ang gawain ng Diyos ay palaging bago at hindi luma kailanman, at hindi ito bumubuo ng doktrina at sa halip, ito ay patuloy na nagbabago at napanunumbalik sa mas malaki o sa mas maliit na sakop. Ang gawaing ito ang pagpapahayag ng likas na disposisyon ng Diyos Mismo. Ito rin ang likas na panuntunan ng gawain ng Diyos, at isa sa mga paraan kung saan isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang pamamahala. Kung hindi sa ganitong paraan gumawa ang Diyos, hindi magbabago ang tao at hindi makukuhang makilala ang Diyos, at si Satanas ay hindi madadaig. Kaya, sa Kanyang gawain may malimit na nangyayaring mga pagbabago na kung titingnan ay pamali-mali, ngunit ang mga ito sa totoo lang ay pana-panahon. Ang paraan kung paano naniniwala ang tao sa Diyos, gayunman, ay lubhang naiiba: Nangunguyapit siya sa luma, kilalang mga doktrina at mga sistema, at habang mas luma nagiging mas katanggap-tanggap ang mga ito sa kanya. Papaanong ang hangal na pag-iisip ng tao, isang pag-iisip na kasintigas ng bato, ay tatanggap ng ganoong di-maarok na bagong gawain at mga salita ng Diyos? Kinasusuklaman ng tao ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma; ang gusto lang niya ay ang makaluma at lumang Diyos na puti ang buhok at walang kibo. Sa gayon, sapagkat ang Diyos at ang tao ay may kani-kanyang mga kagustuhan, ang tao ay naging kaaway ng Diyos.
mula sa “Tanging ang mga Nakaaalam ng Gawain ng Diyos Ngayon ang Makapaglilingkod sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Hindi kailanman nakiayon ang gawain ng Diyos sa mga pagkaintindi ng tao, dahil ang Kanyang gawain ay laging bago at hindi kailanman luma. Hindi Niya kailanman inuulit ang gawaing luma sa halip ay sumusulong sa gawaing kailanman ay hindi pa nagawa. Dahil ang Diyos ay hindi nag-uulit ng Kanyang gawain at ang tao ay karaniwang nanghuhusga sa gawain ng Diyos ngayon batay sa Kanyang gawain sa nakaraan, lubhang mahirap para sa Diyos na ipagpatuloy ang bawat yugto ng gawain sa bagong kapanahunan. Nagpapakita ang tao ng napakaraming balakid! Ang pag-iisip ng tao ay masyadong makitid! Walang tao ang may alam sa gawain ng Diyos, gayon pa man lahat sila ay nagpapakahulugan sa ganoong gawain. … Ninanais ng lahat ng tao na makamit ang Diyos ngunit hindi kayang payagan ang anumang pagbabago sa gawain ng Diyos. Yaong mga hindi tumanggap sa bagong gawain ng Diyos ay naniniwala na ang gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, at na ang gawain ng Diyos ay magpakailanmang nananatiling nakapirmi. Sa kanilang paniniwala, ang tangi lamang kailangan upang makamit ang walang-hanggang kaligtasan mula sa Diyos ay sa pagsunod sa kautusan, at habang sila ay nagsisisi at nangungumpisal ng kanilang kasalanan, ang puso ng Diyos ay masisiyahan magpakailanman. Sila ay nasa opinyon na ang Diyos ay maaari lamang na Diyos sa ilalim ng kautusan at ang Diyos na ipinako sa krus para sa tao; kanila ring opinyon na ang Diyos ay hindi dapat at hindi maaaring humigit sa Biblia. Tiyak na ang mga opinyong ito ang mahigpit na nagtatanikala sa kanila sa kautusan ng nakaraan at pinanatili silang nakakadena sa mahigpit na mga tuntunin. Mas marami ang naniniwala na anuman ang bagong gawain ng Diyos, ito ay kailangang mapatunayan ng mga hula, at sa bawat yugto ng gayong gawain, ang lahat ng sumusunod sa Kanya nang may katapatan ng puso ay dapat mapakitaan ng mga pahayag, kung hindi ang gawaing iyon ay hindi sa Diyos. Hindi na madaling gawain para sa tao na makilala ang Diyos. Bilang karagdagan sa kakatwang puso ng tao at ng kanyang mapanghimagsik na kalikasan ng malaking pagpapahalaga sa sarili at kayabangan, sa gayon mas higit na mahirap para sa tao na tanggapin ang bagong gawain ng Diyos. Hindi pinag-aaralan ng tao ang bagong gawain ng Diyos nang maingat ni tinatanggap ito nang may pagpapakumbaba; sa halip, ang tao ay pumapanig sa asal na pag-aalipusta, naghihintay sa mga pagbubunyag at paggabay ng Diyos. Hindi ba ito ang asal ng tao na naghihimagsik at tumututol sa Diyos? Paano makakamit ng ganoong mga tao ang pagsang-ayon ng Diyos?
mula sa “Paano Makatatanggap ng mga Pahayag ng Diyos ang Taong Ipinakahulugan ang Diyos sa Kanyang Pagkaintindi?” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Madali para sa sangkatauhan na makagawa ng pagkakamali sa paglalarawan sa Diyos; malamang na ang mga tao ay manatili sa nakaraan, at mahiwalay sa Diyos. Malinaw na hindi nila nakikilala ang Diyos, at wala pa ring patumanggang inilalarawan ang gawain ng Diyos. Ang kanilang kalikasan ay lubhang arogante! Palaging ninanais ng mga tao na manghawak sa dating mga pagkaintindi ng nakaraan, pinananatili nila ang mga bagay ng mga nakalipas na panahon na nakaimbak sa kanilang mga puso, at ginagamit ang mga ito bilang kanilang puhunan, nagiging arogante at mapagmataas, at iniisip na nauunawaan nila ang lahat ng bagay, at taglay ang lakas ng loob na ilarawan ang gawain ng Diyos. Sa ganito, hindi ba nila hinahatulan ang Diyos? Bilang karagdagan, hindi nagsasaalang-alang ang mga tao sa bagong gawain ng Diyos, na nagpapakita na mahirap para sa kanila na tanggapin ang mga bagong bagay, at gayunma’y inilalarawan pa rin nang basta na lamang ang Diyos; ang mga tao ay masyadong mapagmataas na wala silang taglay na katuwiran, wala silang sinumang pinakikinggan, at ni hindi tinatanggap ang mga salita ng Diyos. Ang gayon ay ang kalikasan ng tao: lubos na arogante at nagpapakamatuwid, at wala ni kaunting pagkamasunurin. Nang hinatulan nila si Jesus, ang mga Fariseo ay kagaya ng ganito: Kahit na Ikaw ay tama, hindi pa rin ako susunod sa Iyo)—si Jehova lamang ang tunay na Diyos. Sa kasalukuyan, hindi ba mayroon ding mga tao na nagsasabing: “Siya si Cristo? Hindi ko Siya susundin kahit na Siya pa talaga si Cristo!” … Ipinakikita nito na ang disposisyon ng tao ay masyadong tiwali, na siya ay walang kaligtasan.
mula sa “Huwag Mong Ilalarawan Ang gawain ng Diyos” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo
Gusto ba ninyong malaman kung ano ang pinag-ugatan ng pagkalaban ng mga Fariseo kay Jesus? Gusto ba ninyong malaman ang substansya ng mga Fariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinanap ang katotohanan ng buhay. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sasabihin ninyo, paano matatamo nang gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Paano nila mamamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang binanggit ni Jesus, at, bukod pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At dahil hindi pa nila nakita ang Mesiyas kailanman at hindi nakasama ang Mesiyas kailanman, nagkamali silang magbigay ng walang saysay na parangal sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang pagkatao ng Mesiyas sa anumang paraan. Ang mga Fariseong ito sa pagkatao ay mga sutil, mayayabang, at ayaw sumunod sa katotohanan. Ang panuntunan ng paniniwala nila sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral Mo, gaano man kataas ang Iyong awtoridad, hindi Ikaw si Cristo maliban kung Ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang mga pananaw na ito? Tatanungin Ko kayong muli: Hindi ba napakadali ninyong magagawa ang mga pagkakamali ng mga sinaunang Fariseo, kung isasaalang-alang na wala kayong kahit katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang mahiwatigan ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo kakalabanin si Cristo? Kaya mo bang sumunod sa gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung kakalabanin mo si Cristo, sinasabi Ko na nasa bingit na ng kamatayan ang buhay mo. Yaong hindi nakakilala sa Mesiyas ay kayang kalabanin si Jesus, tanggihan si Jesus, siraan Siya ng puri. Ang mga taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kayang itatwa Siya, at laitin Siya. Bukod pa riyan, kaya nilang ituring na panlilinlang ni Satanas ang pagbalik ni Jesus, at mas maraming tao ang huhusgahan ang pagbabalik ni Jesus sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagkawasak sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at paghamak sa lahat ng ipinahayag ni Jesus.
mula sa “Mamamasdan Mo ang Espirituwal na Katawan ni Jesus Kapag Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Halimbawa, nang ang Diyos ay nagkatawang-tao sa Judea, ang Kanyang pakay ay tapusin ang gawain ng pagpapako sa krus upang tubusin ang buong sangkatauhan. Ngunit naniwala ang mga Hudyo na imposibleng magawa ito ng Diyos, at inisip nila na imposibleng maging tao ang Diyos sa anyo ng Panginoong Jesus. Ang kanilang "imposible" ang naging batayan ng kanilang paghatol at pagkontra sa Diyos, at sa huli, humantong sa kapahamakan ng Israel. Ngayon, maraming tao ang nakagawa ng parehong pagkakamali. Walang bahala nilang hinahayag ang nalalapit na pagpapakita ng Diyos, ngunit sila rin ang bumabatikos sa Kanyang pagpapakita; ang kanilang “imposible” ang muling nagkukulong ng pagpapakita ng Diyos batay sa kanilang imahinasyon.
mula sa “Ang Pagpapakita ng Diyos ay Nagdala ng Bagong Kapanahunan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Ang pinagmulan:Dapat Mong Malaman ang Pinagmumulan ng Pagsalungat ng Mga Tao sa Bagong Gawain ng Diyos sa Kanilang Pananampalataya sa Diyos.
Rekomendasyon:Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan
Alamin pa ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos