菜單

Ene 27, 2019

Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan



Ang gawain ng mga huling araw ay upang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, upang tapusin ang plano sa pamamahala ng Diyos, sapagka’t ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay nakárátíng na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng nakapasok sa Kanyang kaharian, iyon ay, lahat ng naging tapat sa Kanya hanggang sa katapusan, tungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subali’t, hanggang sa pagdating ng kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawaing gagawin ng Diyos ay hindi upang magmasid sa mga gawa ng tao o magtanong tungkol sa buhay ng tao, kundi upang hatulan ang kanyang paghihimagsik, sapagka’t dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng mga nakásúnód sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang tao na tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pinag-uukulan ng paghatol ng Diyos.

Ang “paghatol” sa mga salitang nasabi na dati—ang paghatol ay magsisimula sa bahay ng Diyos—ay tumutukoy sa paghatol na ginagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala sa ganoong higit-sa-karaniwang mga naguguni-guni kagaya ng, sa pagdating ng mga huling araw, magtatayo ang Diyos ng malaking mesa sa mga kalangitan, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, nakaupo sa isang dakilang luklukan na ang lahat ng mga tao ay nakaluhod sa lupa, ibubunyag Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay malalaman kung sila ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng nagniningas na apoy at asupre. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, ang nilalaman ng gawain ng Diyos ay hindi maaaring mabago. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi mga nabubuong kaisipan ng tao at nanggagaling sa utak ng tao, binuo at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatuwid Aking sinasabi, gaano man kaliwanag ang mga larawang naisip, ang mga ito ay mga iginuhit lamang at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagáwâ nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Hinahaka ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay talagang di-kapani-paniwala. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang nagsasagawa ng gawain ng paghatol, kung gayon ito ay magiging pinakakakila-kilabot at hindi mauunawaan ng mga mortal, aalingawngaw ito hanggang sa mga kalangitan at yayanigin ang lupa; kung hindi ay papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala siya na dahil ito ay gawain ng paghatol, kung gayon ang Diyos ay dapat na maging lalong nakakatakot at maringal habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na nagpapapalahaw sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong tagpo ay napakarangyang pagmasdan at masyadong nakapupukaw…. Naguguni-guni ng bawa’t tao na maalamat ang gawain ng paghatol ng Diyos. Alam mo ba, gayunman, na matagal nang sinimulan ng Diyos ang gawain ng paghatol sa gitna ng mga tao, at sa buong panahong ito ikaw ay mahimbing na natutulog? Na, sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay nagsisimula na, ito na ang oras na binabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, malamang ay noon mo pa lamang naintindihan ang kahulugan ng buhay, nguni’t ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na natutulog pa ring mahimbing, sa impiyerno. Saka mo lamang biglang mapagtatanto na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.

Huwag na tayong magsayang ng mahalagang oras, at huwag nang pag-usapan pa itong mga nakamumuhi at kasuklam-suklam na mga paksa. Sa halip ay pag-usapan natin kung ano ang bumubuo sa paghatol. Pagdating sa salitang “paghatol,” maiisip mo ang mga salitang sinalita ni Jehova sa lahat ng mga dako at ang mga salita ng pagsaway na sinalita ni Jesus sa mga Fariseo. Bagama’t matigas ang mga pananalitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao, mga salita lamang na sinalita ng Diyos sa loob ng magkakaibang mga kapaligiran, iyon ay, magkakaibang tagpo; ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinalita ni Cristo habang hinahatulan Niya ang tao sa mga huling araw. Sa mga huling araw, Si Cristo ay gumagamit ng sari-saring mga katotohanan upang turuan ang tao, ibunyag ang diwa ng tao, at suriin ang kanyang mga salita at mga gawa. Ang mga salitang ito ay binubuo ng iba’t-ibang mga katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, paano dapat sundin ng tao ang Diyos, paano dapat maging tapat ang tao sa Diyos, paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos, at iba pa. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon. Lalung-lalo na, yaong mga salitang naglalantad kung papaanong tinatanggihan ng tao ang Diyos ay sinalita patungkol sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas at isang pwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi lamang basta nililinaw ng Diyos ang kalikasan ng tao sa pamamagitan ng ilang mga salita; inilalantad Niya, pinakikitunguhan, at pinupungusan ito nang pangmatagalan. Ang ganitong mga pamamaraan ng paglalantad, pakikitungo, at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhinan ng mga ordinaryong salita kundi ng katotohanan na hindi tinataglay ng tao kailanman. Ang ganitong uri ng mga pamamaraan lamang ang itinuturing na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto na magpasakop sa Diyos, at higit pa ay makamtam ang tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa kanyang sariling pagiging-mapanghimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbibigay-daan sa tao na makatamo ng malawak na pagkaunawa sa kalooban ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwaga na hindi niya maunawaan. Tinutulutan din nito ang tao na makilala at malaman ang kanyang tiwaling diwa at ang mga ugat ng kanyang katiwalian, gayundin ay matuklasan ang kapangitan ng tao. Ang mga epektong ito ay bunga lahat ng gawain ng paghatol, sapagka’t ang diwa ng ganitong gawain ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananampalataya sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginawa ng Diyos. Kung hindi mo pinag-uukulan ang mga katotohanang ito ng pagpapahalaga at palaging iniisip ang pag-iwas sa mga ito o paghahanap ng isang bagong paraan bukod sa mga ito, kung gayon sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung mayroon kang pananampalataya sa Diyos, nguni’t hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang kalooban ng Diyos, ni hindi mo iniibig ang daan na nagdadala sa iyo nang mas malapit sa Diyos, kung gayon sinasabi Kong ikaw ay isa na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa dakilang puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang isa man sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng lalo pang mas mabigat na kaparusahan. Silang mga nagsilapit sa harap ng Diyos upang mahatulan, at higit pa ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Tiyak, ito ay bagay na mangyayari sa hinaharap.

Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya kailangang likas na magawa ito ng Diyos Mismo; hindi ito maaaring gawin ng tao bilang Kanyang kahalili. Sapagka’t ang paghatol ay ang paglupig sa lahi ng tao sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlanganan na nagpapakita pa rin ang Diyos bilang ang nagkatawang-taong larawan upang gawin ang gawaing ito sa gitna ng mga tao. Iyan ay upang sabihing, sa mga huling araw, gagamitin ni Cristo ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at upang ipaalam ang lahat ng katotohanan sa kanila. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Maraming may ‘di-kasiya-siyang damdamin tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang paghatol. Gayunpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao at mahirap para sa mga isipan ng mga tao na tanggapin. Sapagka’t ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ay Siyang kataas-taasang Isa na pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad lamang ng isang balon ng maruming tubig na nagdudulot lamang ng mga uod, samantalang ang bawa’t yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay pagdadalisay ng karunungan ng Diyos. Patuloy na hinahangad ng tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Ipinapayo Ko sa inyong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, kung gayon bakit hindi mo kaya? Gaano ka na ba kataas kaysa iba? Kung kaya ng iba na magyuko ng ulo sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay mayroong hindi-mahahadlangang bilis ng pagtakbo. Hindi na Niya uuliting muli ang gawain ng paghatol para sa kapakanan ng iyong “mga katangian,” at walang-hangganan mong pagsisisihan ang pagkawala ng ganoon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, kung gayon maghintay ka na lamang sa dakilang puting luklukan sa langit na magpasa ng paghatol sa iyo! Kailangang malaman mo na lahat ng mga Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, at gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay lumaganap pa rin hanggang sa mga dulo ng sansinukob. Hindi ba ito isang katunayan na matagal nang ginawa ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin kay Jesus na dalhin ka paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy.[a] Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na tagasunod na kagaya mo na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga biyaya. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa pagbubulid sa iyo sa dagat-dagatang apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libu-libong taon.

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung naintindihan mo na, kung gayon ay ipinapayo Ko sa iyo na magpasakop nang masunurin sa pagiging hahatulan, kung hindi, hindi ka na magkakaroon pa ng pagkakataon na mapapurihan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Silang mga tumatanggap lamang ng paghatol subali’t hindi kailanman maaaring madalisay, iyon ay, silang mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay magpakailanmang kamumuhian at itatakwil ng Diyos. Ang kanilang mga kasalanan ay lalong marami, at lalong mas mabigat, kaysa roon sa mga Fariseo, sapagka’t pinagtaksilan nila ang Diyos at mga rebelde laban sa Diyos. Ang gayong mga tao na ni hindi karapat-dapat magsagawa ng paglilingkod ay makatatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, isang kaparusahan na higit pa ay walang-hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subali’t ipinagkanulo rin Siya. Matatanggap ng gayong mga tao ang kagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba ito isang tiyak na pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba ito ang layunin ng Diyos sa paghatol sa tao at pagbubunyag sa kanya? Dadalhin ng Diyos ang lahat ng gumaganap ng lahat ng uri ng masamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng mga masasamang espiritu, hinahayaan ang masasamang espiritung ito na sirain ang kanilang mga katawang laman ayon sa kagustuhan. Ang kanilang mga katawan ay mangangamoy-bangkay, at gayon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos sa kanilang mga talaang aklat ang bawat isa sa mga kasalanan nilang mga hindi-tapat at huwad na tagasunod, mga huwad na apostol, at mga huwad na manggagawa; at pagkatapos, kapag tama na ang panahon, itatapon Niya sila sa gitna ng mga maruruming espiritu, hinahayaan ang mga maruruming espiritung ito na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa kagustuhan, upang hindi na sila kailanman maaaring muling magkatawang-tao at hindi na kailanman muling makita ang liwanag. Yaong mga ipokrito na nagsipaglingkod minsan nguni’t hindi nakapanatiling tapat hanggang katapusan ay ibinibilang ng Diyos sa mga makasalanan, nang sa gayon lumakad sila sa payo ng makasalanan at maging bahagi ng kanilang magulong karamihan; sa katapusan, wawasakin sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos yaong mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o nag-alay ng anumang pagsisikap, at wawasakin silang lahat sa pagbabago ng mga kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, lalong hindi makapapasok tungo sa kaharian ng Diyos. Yaong hindi kailanman naging tapat sa Diyos nguni’t napilit ng kalagayan sa pakikitungo sa Kanya nang paimbabaw ay ibibilang doon sa mga taong naglingkod para sa Kanyang bayan. Maliit na bilang lamang ng gayong mga tao ang mananatiling buháy, samantalang ang karamihan ay mamamatay kasama ng mga ni hindi kwalipikadong magsagawa man lamang ng paglilingkod. Panghuli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian lahat niyaong kapareho ng isipan ng Diyos, ang mga tao at mga anak-na-lalaki ng Diyos pati na yaong mga itinakda ng Diyos na maging mga saserdote. Ang gayon ay ang bungang nakamit ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang gawain. At para sa mga yaong hindi mapapabilang sa mga kategoryang inilatag ng Diyos, sila ay ibibilang kasama ng mga hindi sumasampalataya. At tiyak na inyong maguguni-guni kung ano ang kanilang kahihinatnan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; kayo ang magpapasya kung alin ang landas na inyong pipiliin. Ang dapat ninyong maintindihan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay para sa sinuman na hindi nakasasabay sa bilis ng Kanyang paghakbang, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng kaawaan sa sinumang tao.

Mga Talababa:

a. Isang piraso ng tuyong kahoy: isang kawikaang Tsino, ibig sabihin “walang pag-asa.”