菜單

Abr 25, 2018

Ang Kalooban ng Diyos | Interpretasyon ng Ikadalawampu’t-pitong Pagbigkas

Interpretasyon ng Ikadalawampu’t-pitong Pagbigkas

    Ngayon, ang mga salita ng Diyos ay umabot sa kanilang taluktok, ibig sabihin, ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghuhukom ay umabot na sa rurok nito. Nguni’t hindi ito ang pinakamataas na rurok. Sa panahong ito, ang tono ng Diyos ay nagbago, hindi ito nanunuya o nakakatawa, at hindi nananakit o nanunumpa; pinalambot ng Diyos ang tono ng Kanyang mga salita. Ngayon, nagsisimula ang Diyos na “makayang gunitain” ang tao. Ang Diyos ay parehong nagpapatuloy sa gawain ng panahon ng paghuhukom at binubuksan ang landas ng susunod na seksyon ng gawain, upang ang lahat ng mga bahagi ng Kanyang gawain ay magkakaugnay-ugnay sa isa’t isa. Sa isang banda, nagsasalita Siya tungkol sa “katigasan ng ulo ng tao at kanyang pagbabalik sa dati,” at sa kabilang banda, sinasabi Niya “Sa Aking mga kasiyahan at kalungkutan, hindi Ko kayang gunitain ang pakikipaghiwalay at pakikipagbalikan Ko sa tao”—kung saan parehong nagsasanhi ng isang reaksyon sa puso ng mga tao, at inaantig kahit na ang pinakamanhid sa kanila. Ang layunin ng Diyos sa pagsasabi ng mga salitang ito ay pangunahing upang magpatirapa ang lahat ng mga tao sa harap ng Diyos, nang walang mapapabulong, sa katapus-tapusan, at pagkatapos “magiging maliwanag lamang sa ganoong panahon ang Aking mga gawain, makikilala Ako ng lahat ng tao dahil sa sarili nilang kabiguan.” Ang kaalaman sa Diyos ng mga tao ng panahong ito ay nananatiling ganap na mababaw, hindi ito tunay na kaalaman. Bagaman sila ay nagsisikap nang maigi hangga’t maaari, hindi nila kayang makuha ang naisin ng puso ng Diyos; ngayon, ang mga salita ng Diyos ay umabot na sa kanilang kaitaasan, nguni’t ang mga tao ay nananatili sa mga unang yugto, at sa gayon ay hindi kayang pumasok sa mga pagbigkas ng dito at ngayon—na nagpapakita na ang Diyos at tao ay magkaibang-magkaiba sa isa’t isa. Batay dito, kapag ang mga salita ng Diyos ay dumating sa katapusan makakaya lamang ng mga tao na makamit ang mga pinakamababang pamantayan ng Diyos. Ito ang paraan kung saan ang Diyos ay gumagawa sa mga taong ito na lubos na ginawang tiwali ng malaking pulang dragon, at ang Diyos ay kailangang gumawa upang makamit ang pinakamainam na epekto. Ang mga tao ng mga iglesia ay nagbibigay ng higit na pansin sa mga salita ng Diyos, nguni’t ang intensyon ng Diyos ay upang makilala nila ang Diyos sa Kanyang mga salita—hindi ba may pagkakaiba? Gayunpaman, sa kasalukuyang sitwasyon, hindi na iniisip ng Diyos ang kahinaan ng tao, at nagpapatuloy sa pagsasalita na hindi alintana kung ang mga tao ay kayang tanggapin ang Kanyang mga salita o hindi. Ayon sa Kanyang layunin, kung kailan magtatapos ang Kanyang mga salita ay magiging kung kailan makumpleto ang Kanyang gawain sa lupa. Nguni’t ang gawaing ito ay hindi katulad ng nakaraan. Kung kailan magtatapos ang mga pagbigkas ng Diyos, walang sinuman ang makaaalam; kung kailan magtatapos ang gawain ng Diyos, walang sinuman ang makaaalam; at kung kailan magbabago ang anyo ng Diyos, walang sinuman ang makaaalam. Ganyan ang karunungan ng Diyos. Upang maiwasan ang anumang mga akusasyon mula kay Satanas at anumang pagkagambala mula sa mga pwersa ng kaaway, ang Diyos ay gumagawa nang walang sinuman ang nakaaalam, at sa ngayon ay walang reaksyon sa mga tao sa lupa. Kahit na ang mga palatandaan ng pagbabagong-anyo ng Diyos ay minsan nang binanggit, walang sinuman ang nakakayang maunawaan ito, sapagka’t nakalimutan na ng tao ang bagay na ito, at hindi niya binibigyang pansin ito. At dahil sa mga pag-atake mula sa loob at labas—ang mga sakuna ng panlabas na mundo at ang pagsusunog at paglilinis sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos—ang mga tao ay hindi na handang magpagal para sa Diyos, sapagka’t sila ay masyadong abala sa kanilang sariling negosyo. Kapag tinanggihan ng lahat ng mga tao ang kaalaman at paghahanap ng nakaraan, kapag ang lahat ng mga tao ay nakita ang kanilang mga sarili nang malinaw, sila ay mabibigo at ang kanilang ganang sarili ay hindi na magkakaroon ng puwang sa kanilang mga puso. Saka lamang totoong mananabik ang mga tao para sa mga salita ng Diyos, saka lamang ang mga salita ng Diyos ay tunay na magkakaroon ng puwang sa kanilang mga puso, at saka lamang ang mga salitang ito ay magiging pinagmumulan ng kanilang pag-iral—at sa sandaling ito, ang naisin ng puso ng Diyos ay matutupad. Nguni’t ang mga tao ngayon ay malayong-malayo diyan. Ang ilan sa kanila ay bahagya nang nakausad ng isang pulgada, at sa gayon sinasabi ng Diyos na ito ay “pagbabalik sa dati.”

    Ang lahat ng mga salita ng Diyos ay naglalaman ng maraming mga katanungan. Bakit patuloy na itinatanong ng Diyos ang mga tanong na ito? “Bakit hindi sila magsisi at maisilang na muli? Bakit magpakailanmang ginugusto ng mga tao ang mabuhay sa ilat sa halip na sa isang lugar na walang putik?…” Noong nakalipas, gumawa ang Diyos sa pamamagitan ng tuwirang pagtatawag-pansin sa mga bagay-bagay o tuwirang paglalantad. Nguni’t pagkatapos na ang mga tao ay nagdusa ng labis na sakit, ang Diyos ay hindi na gayon nagsalita nang tuwiran. Sa isang banda, nakikita ng mga tao ang kanilang sariling mga kakulangan sa mga katanungang ito, at sa kabilang banda, tinatarok nila ang landas upang isagawa. Dahil ang lahat ng mga tao ay nais na tamasahin ang mga bunga ng paggawa ng iba, ang Diyos ay nagsasalita na naaangkop sa kanilang mga kahilingan, na nagbibigay sa kanila ng mga paksang pag-iisipan, upang mapagbulay-bulayan nila ang mga ito. Ito ay isang aspeto ng kahalagahan ng mga tanong ng Diyos. Siyempre, hindi ito ang kahalagahan ng ilan sa Kanyang mga tanong, halimbawa: Maaari kayang trinato Ko sila ng masama? Maaari kayang ipinahamak Ko lamang sila? Maaari kayang inakay Ko sila sa impiyerno? Ang mga tanong na tulad nito ay tumatawag-pansin sa mga pagkaintindi sa kailaliman ng mga puso ng mga tao. Kahit na ang kanilang mga bibig ay hindi nagsasabi nito, may pag-aalinlangan sa loob ng karamihan ng kanilang mga puso, at naniniwala sila na ang mga salita ng Diyos ay naglalarawan sa kanila bilang walang kabuluhan. Siyempre, ang mga ganoong tao ay hindi kilala ang kanilang mga sarili, nguni’t sa kahuli-hulihan, tatanggapin nila ang pagkasupil sa mga salita ng Diyos—ito ay hindi maiiwasan. Kasunod ng mga tanong na ito, sinasabi rin ng Diyos na “Guguluhin Ko ang lahat ng mga bansa, kasama na ang mga pamilya.” Kapag tinanggap ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ang lahat ng mga bansa ay magkakagulo bilang resulta, ang mga tao ay unti-unting magbabago sa kanilang kaisipan, at sa mga pamilya ang mga relasyon sa pagitan ng ama at anak-na-lalaki, ina at anak-na-babae o mag-asawa ay hindi na iiral. Higit pa, ang mga relasyon sa pagitan ng mga tao sa mga pamilya ay magiging mas higit pang mahihiwalay; sila ay sasali sa malaking pamilya, at ang pagkakaraniwan ng mga buhay ng halos lahat ng mga pamilya ay paghihiwalayin. At dahil dito, ang konsepto ng pamilya sa mga puso ng mga tao ay magiging palabo nang palabo.
    Bakit, sa mga salita ng Diyos ngayon, napakaraming nakatuon sa “kayang gunitain“ ang mga tao? Siyempre, ito rin ay upang makamit ang isang kongkretong epekto: nagpapakita kung paanong ang puso ng Diyos ay puno ng pagkabalisa. Sinasabi ng Diyos, “kapag malungkot Ako, sino ang aaliw sa Akin sa pamamagitan ng kanilang mga puso?” Sinasabi ng Diyos ang mga salitang ito sapagka’t ang Kanyang puso ay nadaig ng kalungkutan. Dahil ang mga tao ay hindi kayang ibigay ang bawa’t alalahanin sa kalooban ng Diyos, at sila ay laging may-kapintasan, at hindi kayang supilin ang kanilang mga sarili—ginagawa nila kung ano ang kanilang gusto; sapagka’t sila ay masyadong mababa, at palagi silang nagpapatawad sa kanilang mga sarili, at hindi isinasaisip ang kalooban ng Diyos. Subali’t dahil ang mga tao ay ginawang tiwali ni Satanas hanggang sa ngayon, at walang kakayahang mapalaya ang kanilang mga sarili, sinasabi ng Diyos: “paano sila makakatakas mula sa bibig ng gutom na gutom na lobo? Paano nila maaaring palayain ang kanilang mga sarili mula sa pagbabanta at tukso nito?”Ang mga tao ay namumuhay sa laman—sa bibig ng gutom na gutom na lobo. Dahil dito, at dahil ang mga tao ay walang kamalayan-sa-sarili at palaging nagpapasasa sa kanilang mga sarili at nagpapadaig sa kabuktutan, ang Diyos ay hindi mapigilan ang mabalisa. Habang mas higit na nagpapaalala ang Diyos sa mga tao nang gayon, mas mainam ang nadarama nila sa kanilang mga puso, at lalo silang nagiging handa upang makibahagi sa Diyos. Saka lamang ang tao at ang Diyos ay magkakasundo, nang walang anumang paghihiwalay o distansya sa pagitan nila. Sa ngayon, naghihintay ang lahat ng sangkatauhan sa pagdating ng araw ng Diyos, at sa gayon ang sangkatauhan ay hindi pa kailanman sumulong. Nguni’t ang sabi ng Diyos: “Kapag lumitaw ang araw ng pagkamatuwid, maiilawan ang Silangan, at pagkatapos nito ay paliliwanagin nito ang buong sandaigdigan, na aabot sa lahat.” Sa ibang salita, kapag binago ng Diyos ang Kanyang anyo, ang Silangan ay unang paliliwanagin at ang bansa ng Silangan ay ang unang mapapalitan, pagkatapos nito ang mga natitirang bansa ay pababaguhin mula sa timog hanggang sa hilaga. Ito ang pagkakasunod-sunod, at ang lahat ay magiging alinsunod sa mga salita ng Diyos, at sa sandaling ang yugtong ito ay natapos makikita ng lahat ng mga tao. Ayon sa pagkakasunod-sunod na ito gumagawa ang Diyos. Kapag nakita nila ang araw na ito, ang mga tao ay magiging labis-labis ang kagalakan. Makikita sa apurahang hangarin ng Diyos na ang araw na ito ay hindi malayo.
    Sa mga salita sa ngayon, ang pangalawa at pangatlong mga bahagi ay pumupukaw ng mga luha ng pagdadalamhati sa lahat ng mga umiibig sa Diyos. Ang kanilang mga puso ay agad na nababalot sa anino, at mula ngayon ay patuloy na napuno ang lahat ng tao ng matinding kalungkutan dahil sa puso ng Diyos—saka lamang kapag matapos ng Diyos ang Kanyang gawain sa lupa, sila’y mapapanatag ang loob. Ito ang pangkalahatang kalakaran. “Ang galit ay sumisiklab sa loob ng Aking puso, na may kasamang isang pagbugso ng damdamin ng kalungkutan. Kapag ang Aking mga mata ay nakikita ang mga gawa ng mga tao at ang kanilang bawa’t salita at pagkilos bilang marumi, ang Aking pagngangalit ay namumuo, at sa Aking puso ay may higit na pakiramdam ng mga kawalang-katarungan sa daigdig ng tao, na ginagawa Akong higit na nalulumbay; labis Kong ninanais na tapusin ang laman ng tao agad-agad. Hindi Ko alam kung bakit hindi kayang linisin ng tao ang kanyang sarili sa laman, kung bakit ang tao ay hindi maaaring mahalin ang kanyang sarili sa laman. Puwede bang ang ‘silbi’ ng laman ay napakalakas? “Sa mga salita ng Diyos sa araw na ito, isiniwalat ng Diyos sa madla ang lahat ng pagkabalisa sa loob ng Kanyang puso sa tao nang walang anumang itinatago. Kapag ang mga anghel ng ikatlong langit ay nagpatugtog ng musika at pagtambol para sa Kanya, ang Diyos ay nakadarama pa rin ng pagkagiliw sa mga tao sa lupa, at dahil dito ay sinasabi Niya “Kapag ang mga anghel ay tumutugtog ng musika at pagtambulin ng papuri sa Akin, hindi Ko mapipigilan ang Aking pagkaawa sa tao. Bigla Akong nakakaramdam nang malubhang kalungkutan sa Aking puso, at mahirap pawiin sa Aking sarili ang masakit na damdaming ito.” Ito ang dahilan kaya sinasabi ng Diyos ang mga salitang: “Gusto Kong itama ang mga kawalan ng hustisya sa mundo ng tao. Personal Kong gagawin ang Aking trabaho sa buong mundo, hindi Ko na hahayaan si Satanas na muling saktan ang Aking bayan, pagbabawalan Ko ang kaaway na gawin muli ang anumang gusto nila. Magiging Hari Ako sa lupa at ililipat Ko ang Aking trono doon, payuyukuin Ko ang lahat ng mga kaaway sa lupa at ikukumpisal nila ang mga krimeng nagawa sa Aking harapan” Ang kalungkutan ng Diyos ay nagdaragdag sa Kanyang poot sa mga demonyo, at sa gayon ay ibinubunyag Niya ang kanilang katapusan sa masa nang pauna. Ito ang gawain ng Diyos. Ang Diyos ay laging nagnanais na muling makasama ang lahat ng mga tao at dalhin ang sinaunang kapanahunan sa pagtatapos. Ang lahat ng mga tao sa buong sansinukob ay nagsisimula sa paglipat—na masasabi, ang lahat ng mga tao sa ilalim ng kosmos ay pumapasok sa patnubay ng Diyos. Bilang resulta, ang kanilang mga kaisipan ay bumaling sa paghihimagsik laban sa kanilang mga emperador. Hindi magtatagal, ang mga tao sa mundo ay sasabog sa kaguluhan at ang mga pinuno ng lahat ng mga bansa ay tatakas sa lahat ng direksyon, sa kahuli-hulihan ay maitutulak ng kanilang bayan patungo sa gilotina. Ito ang huling katapusan ng mga hari ng mga demonyo; sa kahuli-hulihan, walang sinuman ang makatatakas, ang lahat ay dapat na dumaan dito. Ngayon, ang mga “matalino” ay nagsimulang bumaba. Nakikita na ang mga bagay ay hindi umaayos, ginagamit nila ang pagkakataong ito upang bumaba at makatakas sa kahirapan ng sakuna. Ngunit malinaw Kong sinasabi, ang gawain na ginagawa ng Diyos sa mga huling araw ay pangunahin sa lahat ang pagkastigo ng tao, kaya paanong magagawa ng mga taong ito na makatakas? Ngayon ang unang hakbang. Isang araw, ang lahat sa buong sansinukob ay mahuhulog sa kaligaligan ng digmaan, ang mga tao sa lupa ay hindi na kailanman magkakaroong muli ng mga pinuno, ang buong mundo ay magiging tulad ng isang bunton ng buyangyang na buhangin, hindi pinamamahalaan ng sinuman, at ang mga tao ay pangangalagaan lamang ang kanilang sariling buhay, hindi tumutugon sa sino pa mang iba, sapagka’t ang lahat ay kontrolado ng kamay ng Diyos—na kung bakit sinasabi ng Diyos, “hinahati ng lahat ng mga tao ang mga bansa ayon sa Aking kalooban.” Ang “trumpeta ng anghel” na kung saan ang Diyos ay nagsasalita ngayon ay isang palatandaan, pinatutunog nito ang pang-alarmang kampanilya para sa tao, at kapag tumunog muli ang trumpeta, ang huling araw ng mundo ay dumating na. Sa oras na iyon, ang buong pagkastigo ng Diyos ay magaganap sa kabuuan ng lupa; ito ay magiging walang-pusong paghatol, at ang opisyal na pagsisimula ng mga panahon ng pagkastigo. Sa kalagitnaan ng mga Israelita, kadalasan naroon ang tinig ng Diyos upang pamunuan sila sa iba’t ibang mga kapaligiran, at gayon din ang mga anghel ay lilitaw sa kanila. Ang mga Israelita ay gagawing ganap sa loob lamang ng ilang buwan, dahil hindi nila kailangang sumailalim sa hakbang ng pag-aalis ng kamandag ng malaking pulang dragon, madali para sa kanila na pumasok patungo sa tamang landas sa ilalim ng iba’t ibang uri ng patnubay. Mula sa mga pagpapaunlad sa Israel ay makikita ang estado ng buong sansinukob, at nagpapakita ito kung gaano kabilis ang mga hakbang ng gawain ng Diyos.” Ang oras ay dumating na! Gusto Kong ipagpatuloy ang Aking gawain, gusto Kong magharing pinakadakila sa kalagitnaan ng tao!” Noong nakaraan, naghahari lamang ang Diyos sa langit. Ngayon, naghahari Siya sa lupa; binawi ng Diyos ang lahat ng Kanyang awtoridad, at sa gayon ay inihula na ang buong sangkatauhan ay hindi na kailanman magkakaroong muli ng normal na pantaong buhay, sapagka’t muling aayusin ng Diyos ang langit at lupa, at walang sinuman ang pinahihintulutang makialam. Kaya, madalas ipinaaalala ng Diyos sa tao na “Ang oras ay dumating na.” Nang ang lahat ng mga Israelita ay makabalik sa kanilang bansa—sa araw na ang buong lupain ng Israel ay nakuhang muli—ang dakilang gawain ng Diyos ay magiging ganap. Nang walang nakaaalam, ang mga tao sa buong sansinukob ay maghihimagsik, at ang mga bansa sa buong sansinukob ay babagsak tulad ng mga bituin sa langit; sa isang sandali, sila ay magiging isang tumpok ng mga durog na bato. At pagkatapos makitungo sa kanila, itatayo ng Diyos ang kaharian na minamahal ng Kanyang puso.
Mula sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao
Rekomendasyon:Ang Pinagmulan at Pagsulong ng Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Pagkaunawa sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos
Pagsaliksik sa Kidlat ng Silanganan
Dapat na Nakatuon sa Katotohanan ang Pananampalataya sa Diyos, Hindi sa mga Relihiyosong Ritwal