Isa pang Paghahayag ni Job ng Takot sa Diyos at Pag-iwas sa Kasamaan ay ang Kanyang Pagpupuri sa Pangalan ng Diyos sa Lahat ng Bagay
Pinagdusahan ni Job ang pamiminsala ni Satanas, ngunit hindi pa rin niya itinakwil ang pangalan ng Diyos na Jehova. Ang kanyang asawa ang unang lumabas at gumanap sa katauhan ni Satanas na maaaring makita sa paglusob kay Job. Inilarawan ito sa orihinal na sulat bilang: “Nang magkagayo’y sinabi ng kanyang asawa sa kanya, Namamalagi ka pa ba sa iyong katapatan? itakwil mo ang Diyos, at mamatay ka” (Job 2:9). Ang mga salitang ito ang sinabi ni Satanas na nagbabalat-kayong tao. Ang mga ito ay mga paglusob, bintang, pang-akit, tukso, at paninirang-puri. Matapos mabigong saktan ang laman ni Job, tuluyang nilusob ni Satanas ang katapatan ni Job, gusto niyang gamitin ito para isuko ni Job ang kanyang katapatan, talikuran ang Diyos, at tumigil sa pamumuhay. Gusto ring gamitin ni Satanas ang mga salitang ito para tuksuhin si Job: Kung itatakwil ni Job ang pangalan ni Jehova, hindi niya kailangang pagtiisan ang ganitong paghihirap, maaari niyang mapalaya ang kanyang sarili mula sa paghihirap ng laman. Noong maharap sa payo ng kanyang asawa, pinagsabihan siya ni Job, “Nagsasalita ka na gaya ng pagsasalita ng hangal na babae. Ano? tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” (Job 2:10). Matagal nang alam ni Job ang mga salitang ito, ngunit sa pagkakataong ito napatunayan ang katotohanan ng kaalaman ni Job sa mga ito.
Noong pinayuhan siya ng kanyang asawa na sumpain ang Diyos at mamatay, ang ibig niyang sabihin ay: Ganito ka tratuhin ng Diyos mo, bakit hindi mo Siya isumpa? Paano mo pa nagagawang mabuhay? Hindi patas sa iyo ang iyong Diyos, ngunit sinasabi mo pa rin na purihin ang pangalan ng Diyos na Jehova. Paano Niya nagagawang magdulot ng sakuna sa iyo samantalang pinupuri mo ang Kanyang pangalan? Magmadali ka at talikuran mo ang pangalan ng Diyos, at huwag ka nang sumunod sa Kanya. Sa ganitong paraan matatapos ang mga problema mo. Sa sandaling ito, nakita ang pagpapatotoo na ninais na makita ng Diyos kay Job. Walang karaniwang tao ang maaaring magpatotoo nang ganito, at hindi rin natin nababasa ito sa anumang mga kwento sa Biblia—ngunit nakita na ng Diyos ang mga ito bago pa man sinabi ni Job ang mga salitang ito. Gusto lamang gamitin ng Diyos ang pagkakataong ito upang pahintulutan si Job na patunayan sa lahat na tama ang Diyos. Nahaharap sa payo ng kanyang asawa, hindi lamang hindi isinuko ni Job ang kanyang katapatan o tumalikod sa Diyos, sinabi rin niya sa kanyang asawa: “tatanggap ba tayo ng mabuti sa kamay ng Diyos, at hindi tayo tatanggap ng masama?” May bigat ba ang mga salitang ito? Dito, mayroon lamang isang katotohanan na kayang magpatunay sa bigat ng mga salitang ito. Ang bigat ng mga salitang ito ay na pinagtibay ng Diyos ang mga ito sa Kanyang puso, ang mga ito ang ninais ng Diyos, ang mga ito ang ninais na marinig ng Diyos, at ang mga ito ang resultang hinangad na makita ng Diyos; ang mga salitang ito rin ang diwa ng testimonya ni Job. Dito, napatunayan ang pagiging perpekto, pagkamatuwid, pagkatakot sa Diyos, at pag-iwas ni Job sa kasamaan. Ang kahalagahan ni Job ay nakasalalay sa kung paano, nang tuksuhin siya, at kahit noong puno ang kanyang buong katawan ng namamagang bukol, noong pinagtiisan niya ang sukdulang paghihirap, at noong pinayuhan siya ng kanyang asawa at kamag-anak, nasabi pa rin niya ang mga ganoong salita. Sa madaling salita, naniniwala siya sa kanyang puso na, kahit ano pang tukso, o gaano kabigat ang pagtitiis o paghihirap, kahit na dumating ang kamatayan sa kanya, hindi siya tatalikod sa Diyos o tatanggi sa daan na may takot sa Diyos at umiiwas sa kasamaan. Sa gayon, makikita mo na hawak ng Diyos ang pinakamahalagang lugar sa kanyang puso, at Diyos lamang ang nasa kanyang puso. Dahil dito, mababasa natin ang mga paglalarawan sa kanya sa mga Banal na Kasulatan bilang: Sa lahat ng ito ay hindi nagkasala si Job sa kanyang mga labi. Hindi lamang siya hindi nagkasala sa kanyang mga labi, ngunit sa kanyang puso hindi siya nagreklamo tungkol sa Diyos. Hindi siya nagsabi ng masasakit na salita tungkol sa Diyos, at hindi rin siya nagkasala laban sa Diyos. Hindi lamang basta pinagpala ng kanyang bibig ang pangalan ng Diyos, ngunit sa kanyang puso ay pinuri niya ang pangalan ng Diyos; ang kanyang bibig at puso ay iisa. Ito ang tunay na Job na nakita ng Diyos, at ito ang tunay na dahilan kung bakit itinatangi ng Diyos si Job.
Mula sa “Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao”
______________________________
Sa pamamagitan ng pag-aaral ng salita ng Diyos, maaari tayong magkaroon ng higit na kaalaman sa Diyos at sa Kanyang gawain. Mangyaring I-click upang makita: Araw-araw na mga Salita ng Diyos