Ni Anyuan, Pilipinas
Dalawang libong taon na ang nakararaan, tinanong ng mga alagad ng Panginoon si Jesus, “Ano ang magiging tanda ng iyong pagparito, at ng katapusan ng sanglibutan?” (Mateo 24:3). Sumagot ang Panginoong Jesus, “At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas. Sapagka’t magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako. Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan” (Mateo 24:6–8). Ngayon, parami nang parami ang nagaganap na mga kalamidad sa buong mundo. Sunud-sunod ang mga lindol, epidemya, taggutom, digmaan at baha. Sa pagtatapos ng 2019, isang bagong uri ng coronavirus ang lumitaw sa Wuhan, China. Nakakabahala ang bilis ng pagkalat nito; sa loob lamang ng ilang buwan, naglitawan ang mga kaso sa buong bansa, at agad nagkagulo sa China. Maraming lalawigan, munisipalidad at nayon ang sunud-sunod na ikinu-kuwarentina habang patuloy na dumarami ang namamatay. Kumalat na rin ang virus sa mahigit dalawampung iba pang mga bansa sa buong mundo. Bukod pa rito, sa pagitan ng Setyembre 2019 at Enero 2020, winasak ng mga wildfire sa Australia ang mahigit 5,900 gusali at pinatay ang mahigit isang bilyong hayop. Noong Enero 2020, tinamaan din ang kontinenteng iyon ng minsan-sa-isang-siglong malakas na pag-ulan, na nagsanhi ng mga pagbaha na pumatay sa maraming isda sa tubig-tabang. Sa buwan ding iyon, libu-libong tao ang nawalan ng tahanan dahil sa mga pagbaha sa Indonesia. Nagkaroon din ng pagsabog ng buklan sa Pilipinas, ang pinakamalalang pamemeste ng mga balang sa loob ng 25 taon sa Africa, isang 6.4 magnitude na lindol sa Xinjiang. … Humahaba pa ang listahan. Natupad na ang mga propesiya sa Biblia tungkol sa pagdating ng Panginoon. Patunay ito na nagbalik na ang Panginoon—kaya bakit kailangan pa nating salubungin ang Kanyang pagdating? Hindi ba tayo masasadlak sa malaking pagdurusa kung magpatuloy ito? At ano naman ang dapat nating gawin para salubungin ang pagdating ng Panginoon?
Paano Darating ang Panginoon?
Marami nang taong nakabasa sa mga salitang ito sa Biblia: “Narito, siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap” (Pahayag 1:7). “Mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Natitiyak nila na darating ang Panginoon na sakay ng mga ulap. Gayunman, bakit kailangan pa nating makita ang gayong tanawin? Ito ba ang tanging paraan ng pagdating ng Panginoon? Ang totoo’y may isang pangunahing bagay na nakaligtaan natin tungkol sa pagdating ng Panginoon. Sa mga Banal na Kasulatan, mayroon ding mga propesiya tungkol sa lihim na pagdating ng Diyos, tulad ng: “Narito, ako’y pumaparitong gaya ng magnanakaw” (Pahayag 16:15). “Datapuwa’t pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya” (Mateo 25:6). “Kaya nga kayo’y magsihanda naman; sapagka’t paririto ang Anak ng tao sa oras na hindi ninyo iniisip” (Mateo 24:44). “Sapagka’t gaya ng kidlat, na pagkislap buhat sa isang panig ng silong ng langit, ay nagliliwanag hanggang sa kabilang panig ng silong ng langit; gayon din naman ang Anak ng tao sa kaniyang kaarawan. Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito” (Lucas 17:24–25).
Ang mga pagtukoy sa mga Banal na Kasulatan sa “gaya ng magnanakaw” at “pagkahating gabi ay may sumigaw” ay nagpapahiwatig na pagbalik ng Panginoon sa mga huling araw, gagawin Niya iyon nang tahimik, nang lihim. At ano ang tinutukoy na “Anak ng tao”? Tiyak na ang isang “Anak ng tao” ay isinilang sa isang tao, sa isang ina at ama, at may laman at dugo. Ipaghalimbawa natin ang Panginoong Jesus, Siya ay nagkatawang-tao sa wangis ng isang normal na tao na nabubuhay sa piling ng tao. Sa gayon nakikita natin na ang “Anak ng tao” ay tumutukoy sa Diyos na nagkatawang-tao; ang Espiritu ay hindi matatawag na Anak ng tao. Bukod pa riyan, sinasabi rin sa mga Banal na Kasulatan na, “Datapuwa’t kailangan muna siyang magbata ng maraming bagay at itakuwil ng lahing ito.” Malinaw na nakasaad sa siping ito ng Banal na Kasulatan na kapag bumalik ang Panginoon, titiisin Niya ang maraming pagdurusa at tatanggihan Siya ng henerasyong ito. Alam nating lahat na maaari lamang tanggihan ang Diyos kapag nagkatawang-tao sa laman bilang Anak ng tao, sapagkat ang Diyos sa laman ay napaka-ordinaryo at hindi Siya kilala ng mga tao; itinuturing nila Siyang ordinaryong tao, at nagdaranas ng matinding paghihirap dahil dito. Gayunpaman, kung magpapakita ang Panginoon sa tao bilang Espiritu, mabuti man sila o masama, mananampalataya o hindi, o kahit yaong mga kumakalaban sa Diyos, lahat ay magpapatirapa sa harap ng Diyos sa pagsamba—sapagkat sino ang maaaring tumanggi sa Diyos nang gayon? At pagkatapos ay paano Siya magdurusa? Ipinapakita nito na nagpapakita ang Panginoon ng mga huling araw sa sangkatauhan bilang Anak ng tao na nagkatawang-tao.
Anong Gawain ang Gagawin ng Panginoon Pagbalik Niya?
Sa puntong ito, maaaring malito ang ilang kapatid: Kung darating nang lihim ang Panginoon sa tao sa mga huling araw, paano matutupad ang propesiya ng Kanyang pagdating na sakay ng ulap? May mga hakbang at isang plano sa gawain ng Diyos. Magiging tao muna ang Diyos at darating nang lihim upang isagawa ang Kanyang gawain na iligtas ang tao, at pagkatapos ay magpapakita sa tao nang hayagan sakay ng ulap. Para maunawaan ang tanong na ito, kailangan nating matutuhan pa kung anong gawain ang ginagawa ng Panginoon pagbalik Niya sa mga huling araw. Sabi ng Panginoong Jesus, “Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni’t ngayon ay hindi ninyo mangatitiis. Gayon ma’y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka’t hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13). “Ang nagtatakuwil sa akin, at hindi tumatanggap sa aking mga pananalita, ay mayroong isang hahatol sa kaniya: ang salitang aking sinalita, ay siyang sa kaniya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:48). “Sapagka’t ang Ama’y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol” (Juan 5:22). Sinasabi rin sa Biblia, “Sapagka’t dumating na ang panahon ng pasimula ng paghuhukom sa bahay ng Dios” (1 Pedro 4:17). Sinasabi sa atin ng mga siping ito sa Banal na Kasulatan na ang Diyos ng mga huling araw ay dumarating para lamang bumigkas ng mga salita, para isagawa ang gawain ng paghatol simula sa bahay ng Diyos. Dahil dito, yaong mga tumatanggap sa gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw ay sumasalubong sa pagdating ng Panginoon, at itinataas sa harap ng Diyos! Ngayon, nakasambit na ng milyun-milyong salita ang Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao na nakatalang lahat sa aklat na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao. Sa aklat na ito, inihahayag sa mga salita ng Makapangyarihang Diyos ang maraming hiwagang dati-rati ay hindi natin maunawaan, tulad ng kasaysayan ng pag-unlad ng sangkatauhan, paano ginagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, paano inililigtas ng Diyos ang tao, anong uri ng mga tao ang pinakamamahal ng Diyos, aling mga tao ang kinamumuhian Niya, ang mga kahihinatnan at patutunguhan ng iba’t ibang uri ng tao, at kung anu-ano pa. Hindi lamang ito, kundi naipahayag din ng Diyos ang mga salita ng paghatol at pagkastigo, na naglalantad sa ating mga tiwaling disposisyon. Ang mga tiwaling disposisyon ng lahat ng tumatanggap sa mga salita ng paghatol at pagkastigo ng Diyos ay lilinisin at babaguhin; gagawin silang mga mananagumpay bago sumapit ang malaking pagdurusa, at sa huli ay papasok sa kaharian ng Diyos upang magtamasa ng walang-hanggang kaligayahan. Yaong mga hindi nagtatangkang marinig ang tinig ng Diyos sa panahong ang Diyos ay nasa laman at gumagawa nang lihim, na hindi tinatanggap ang gawain ng paghatol ng Diyos sa mga huling araw, na tinutuligsa at nilalapastangan ang Diyos na nagkatawang-tao ayon sa sarili nilang mga pagkaintindi at imahinasyon, ay ilalantad at aalisin ng Diyos. Kaya nga, ang trigo at mga panirang damo, ang mga tupa at mga kambing, ang matatalinong dalaga at mga hangal na dalaga, ang mabubuting lingkod at masasamang lingkod, yaong mga nagmamahal sa katotohanan at yaong mga namumuhi sa katotohanan—bawat isa ay ilalantad at ibubukod ayon sa uri. Pagkatapos niyon, darating ang Diyos sakay ng mga ulap, hayagang magpapakita sa lahat ng bansa at tao sa mundo, at magsisimulang gantimpalaan ang mabubuti at parusahan ang masasama, sa gayo’y matutupad ang mga propesiya sa Biblia: “Narito, siya’y pumaparitong nasasa mga alapaap; at makikita siya ng bawa’t mata, at ng nangagsiulos sa kaniya; at ang lahat ng mga angkan sa lupa ay magsisitaghoy dahil sa kaniya” (Pahayag 1:7). “At kung magkagayo’y lilitaw ang tanda ng Anak ng tao sa langit: at kung magkagayo’y magsisitaghoy ang lahat ng mga angkan sa lupa, at mangakikita nila ang Anak ng tao na napaparitong sumasa mga alapaap ng langit na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian” (Mateo 24:30). Sa panahong iyon, lahat ng kumakalaban, tumatanggi at tumutuligsa sa Diyos ay pupukpukin ang kanilang dibdib at mapupuspos ng pagsisisi dahil sa kanilang masasamang gawa. Mula sa gawain ng Diyos nakikita natin kung gaano kamatuwid, kamakapangyarihan sa lahat at katalino ng Diyos!
Paano Salubungin ang Pagbalik ng Panginoon
Ngayon, nalupig at nailigtas na ng Makapangyarihang Diyos na nagkatawang-tao ang isang grupo ng mga tao. Kaya, nagawa na ring ganap ang mga mananagumpay. Hindi magtatagal at magtatapos na ang lihim na gawain ng Diyos, pagkatapos ay sasapit kaagad sa mundo ang lahat ng uri ng malaking pagdurusa. Mayroon tayong agarang tungkulin sa ating harapan: Paano natin dapat salubungin ang pagbalik ng Panginoong Jesus at yakapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw? Sabi ng Panginoong Jesus, “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin” (Juan 10:27). Nasa Biblia rin ang mga propesiyang ito: “Ang may pakinig, ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesia” (Pahayag 2:7). “Narito ako’y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako’y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya’y kasalo ko” (Pahayag 3:20). At ang sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang gawain ng Diyos ay tulad ng makapangyarihang umaalimbukay na alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at tanggapin ang Kanyang pangako. Ang mga taong hindi gagawa ay isasailalim sa napakahirap na kalamidad at karapat-dapat sa kaparusahan” (“Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Nais mo bang sundan ang mga yapak ng Cordero? Nais mo bang salubungin ang Panginoon? Nais mo bang madala sa harap ng malaking pagdurusa? Sinasabi sa atin ng mga salita ng Diyos na kung sasalubungin natin ang Panginoon, mahalagang matutuhan natin kung paano maririnig ang tinig ng Diyos sa pamamagitan ng pagtingin kung ang mga salitang ipinapahayag ng Makapangyarihang Diyos ay ang katotohanan, kung ito ang mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia. Naniniwala ako na kung mayroon tayong mapakumbabang puso na naghahanap at nasasabik sa katotohanan, aakayin tayo ng Diyos sa pagsalubong sa Panginoon sa lalong madaling panahon!
______________________________________________
Ano ang mga palatandaan ng pagbabalik ni Cristo na nakapropesiya sa Bibliya? Paano ang mga ito matutupad? Basahin ang artikulong ito upang mas higit na matuto.