菜單

Hul 25, 2018

Ang Gawain ng Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ay Ang Gawain Din ng Pagliligtas ng Tao






   Ang lahat ng mga tao ay kailangang maunawaan ang layunin ng Aking gawa sa daigdig, iyan ay, ang pangwakas na layunin ng Aking gawa at kung anong antas ang dapat Kong makamit sa gawaing ito bago ito maging ganap. Kung, pagkaraang maging kasama Ko hanggang sa araw na ito, ang mga tao ay hindi pa rin nauunawaan kung ano ang tungkol sa Aking gawa, kung gayon hindi ba walang kabuluhan ang pagsama nila sa Akin? Ang mga tao na sumusunod sa Akin ay dapat malaman ang Aking kalooban. Ginagawa Ko ang Aking gawain sa daigdig ng libu-libong taon, at hanggang sa araw na ito ay ginagawa Ko pa rin ang Aking gawain sa paraang ito. Bagaman may maraming mga pambihirang bagay na kabilang sa Aking gawa, ang layunin ng gawaing ito ay nanatiling hindi nagbabago; tulad lang ng, bilang halimbawa, kahit na Ako ay puno ng paghatol at pagkastigo sa tao, ang Aking ginagawa ay alang-alang pa rin sa pagliligtas sa kanya, at alang-alang sa mas mainam na pagpapalaganap ng Aking ebanghelyo at pagpapalawak pa ng Aking gawain sa lahat ng mga bansang Gentil, kapag ang tao ay nagawa nang ganap. Kaya ngayon, sa panahon kung kailan maraming tao ang matagal nang lubhang nabigo sa kanilang mga pag-asa, patuloy pa rin Ako sa Aking gawa, nagpapatuloy sa Aking gawain na dapat Kong gawin na hatulan at kastiguhin ang tao. Sa kabila ng katotohanan na ang tao ay nayayamot sa Aking sinasabi at sa kabila ng katotohanan na wala siyang paghahangad na iukol ang kanyang sarili sa Aking gawain, isinasagawa Ko pa rin ang Aking tungkulin, sapagkat ang layunin ng Aking gawa ay nananatiling hindi nagbabago at ang Aking orihinal na plano ay hindi masisira. Ang katungkulan ng Aking paghatol ay upang magbigay ng kakayahan sa tao na maging mas mahusay ang pagsunod sa Akin, at ang katungkulan ng Aking pagkastigo ay mahayaan ang tao na mas mabisang mabago. Bagaman ang Aking ginagawa ay alang-alang sa Aking pamamahala, hindi Ako kailanman nakagawa ng anumang bagay na naging walang pakinabang sa tao. Iyon ay dahil nais Kong gawin ang lahat ng mga bansa sa labas ng Israel na kasing-masunurin ng mga Israelita, at gawin silang tunay na mga tao, nang sa gayon may pinanghahawakan Ako sa mga lupain sa labas ng Israel. Ito ang Aking pamamahala; ito ang gawa na Aking tinutupad sa mga bansang Gentil. Kahit ngayon, maraming tao ang hindi pa rin nauunawaan ang Aking pamamahala, sapagkat wala silang interes sa mga bagay na ito, kundi magmalasakit lamang sa kanilang mga sariling kinabukasan at hantungan. Kahit ano ang Aking sabihin, ang mga tao ay walang-malasakit pa rin sa gawaing Aking ginagawa, sa halip ay tanging nakatuon lamang sa kanilang mga hantungan sa hinaharap. Kung ang mga bagay ay magpapatuloy sa ganitong paraan, paano mapapalawak ang Aking gawa? Paano maipapalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong mundo? Dapat ninyong malaman, na kapag ang Aking gawa ay lumawak, ikakalat Ko kayo, at pupuksain Ko kayo, gaya nang puksain ni Jehova ang bawat isang tribo ng Israel. Ang lahat ng ito ay gagawin upang ipalaganap ang Aking ebanghelyo sa buong daigdig, at palaganapin ang Aking gawa sa mga bansang Gentil, nang ang Aking pangalan ay maaaring madakila ng parehong mga matatanda at mga bata, at ang Aking banal na pangalan ay dinakila ng mga bibig ng mga tao mula sa lahat ng mga tribo at bansa. Sa pangwakas na kapanahunang ito, dadakilain ang Aking pangalan sa mga bansang Gentil, dahilan upang makita ng mga Gentil ang Aking mga gawa, na maaari nila Akong tawaging ang Makapangyarihan sa lahat dahil sa Aking mga gawa, at magawa ito upang ang Aking mga salita ay maaaring malapit nang matupad. Gagawin Kong malaman ng lahat ng tao na hindi lamang Ako ang Diyos ng mga Israelita, kundi ang Diyos rin ng lahat ng mga bansa ng mga Gentil, kahit na iyong Aking isinumpa. Hahayaan Ko na makita ng lahat ng tao na Ako ang Diyos ng buong sangnilikha. Ito ang Aking pinakadakilang gawa, ang layunin ng Aking plano ng paggawa para sa mga huling araw, at ang tanging gawain na dapat matupad sa mga huling araw.


    Ang gawain na Aking pinamamahalaan ng libu-libong taon ay ganap na nabubunyag lamang sa tao sa mga huling araw. Ngayon Ko lamang nabuksan ang buong misteryo ng Aking pamamahala sa tao. Batid ng tao ang layunin ng Aking gawa at bukod pa ay nakaunawa na sa lahat ng Aking mga misteryo. At nasabi Ko sa tao ang lahat ng tungkol sa hantungan na kanyang inaalala. Naipahayag Ko na sa tao ang lahat ng Aking mga misteryo na nakatago nang mahigit sa 5,900 taon. Sino si Jehova? Sino ang Mesias? Sino si Jesus? Dapat ay alam ninyo ang lahat ng mga ito. Ang Aking gawa ay umiikot sa mga pangalang ito. Naunawaan ba ninyo iyan? Paano dapat ipahayag ang Aking banal na pangalan? Paano dapat ipalaganap ang Aking pangalan sa alinman sa mga bansa na tumawag sa Akin sa alinman sa Aking mga pangalan? Ang Aking gawain ay lumalawak na, at Aking ipapalaganap ang kabuuan nito sa alinman at sa lahat ng mga bansa. Dahil ang Aking gawain ay naisagawa sa inyo, pupuksain Ko kayo gaya nang pinuksa ni Jehova ang mga pastol sa lahi ni David sa Israel, na naging dahilan ng inyong pagkalat sa bawat bansa. Dahil sa mga huling araw, dudurugin Ko ang lahat ng mga bansa sa maliliit na piraso at maging dahilan na ikalat muli ang mga tao. Sa muli Kong pagbabalik, ang mga bansa ay mahahati na sa mga hangganang itinakda ng Aking nagliliyab na apoy. Sa oras na iyon, ipapakilala Kong muli ang Aking Sarili sa sangkatauhan tulad ng nakapapasong araw, na ipinapakita ang Aking Sarili nang lantaran sa kanila sa wangis ng Banal na Isa na hindi pa nila kailanman nakita, na naglalakad sa napakaraming bansa, gaya ng Ako, si Jehova, ay minsang lumakad kasama ng mga tribo ng Judio. Simula niyon, pamumunuan Ko ang sangkatauhan sa kanilang mga buhay sa daigdig. Tiyak na makikita nila ang Aking kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin nila ang haliging ulap sa himpapawid upang pamunuan sila sa kanilang mga buhay, dahil magpapakita Ako sa mga banal na lugar. Makikita ng tao ang Aking araw ng pagkamatuwid, at gayon din ang Aking maluwalhating pagpapakilala. Magaganap iyan kapag naghahari Ako sa buong daigdig at dinadala ang marami Kong anak sa kaluwalhatian. Sa lahat ng dako sa daigdig, yuyuko ang mga tao, at ang Aking tabernakulo ay matatag na itatayo sa gitna ng sangkatauhan, sa ibabaw ng bato ng gawain na Aking isinasagawa ngayon. Ang mga tao ay maglilingkod din sa Akin sa templo. Ang altar, na binalutan ng marurumi at nakasusuklam na mga bagay, ay Aking dudurugin at itatayong muli. Ang mga bagong silang na tupa at guya ay ihahain sa banal na altar. Gigibain Ko ang templo ng kasalukuyan at magtatayo ng bago. Ang templo na nakatayo ngayon, na puno ng kasuklam-suklam na mga tao, ay guguho, at ang Aking itinatayo ay mapupuno ng mga lingkod na tapat sa Akin. Muli silang maninindigan at paglilingkuran Ako alang-alang sa kaluwalhatian ng Aking templo. Tiyak na makikita ninyo ang araw kung saan tatanggapin Ko ang dakilang kaluwalhatian, at tiyak na makikita rin ninyo ang araw kapag Aking ginigiba ang templo at nagtatayo ng bago. Gayon din, tiyak na makikita ninyo ang araw ng pagdating ng Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao. Habang winawasak Ko ang templo, dadalhin Ko rin ang Aking tabernakulo sa mundo ng mga tao; ito ay magiging katulad ng kapag nakikita ng mga tao na bumababa Ako. Pagkatapos Kong durugin ang lahat ng mga bansa, titipunin Ko silang muli, magmula noong itinatayo ang Aking templo at itinatatag ang Aking altar, upang ang lahat ay maaaring maghandog sa Akin ng mga alay, maglingkod sa Akin sa Aking templo, at matapat na ilaan ang kanilang mga sarili sa Aking gawain sa mga bansang Gentil. Sila ay magiging katulad sa mga Israelita sa kasalukuyan, ginayakan ng kasuotan at korona ng saserdote, sa kaluwalhatian Ko, si Jehova, sa gitna nila, at ang Aking kamahalan ay umaali-aligid sa kanila at nananatili sa kanila. Ang Aking gawain sa mga bansang Gentil ay ipapatupad sa parehong paraan. Tulad ng Aking gawain sa Israel, gayon din ang gawain Ko sa mga bansang Gentil, sapagkat palalawakin Ko ang Aking gawain sa Israel at ipapalaganap ito sa mga bansa ng mga Gentil.

   Ngayon ay ang panahon na ang Aking Espiritu ay gumagawa ng mga dakilang bagay, at ang panahon na sinisimulan Ko ang Aking gawain sa mga bansang Gentil. Higit pa, ito ay ang panahon na inuuri Ko ang lahat ng nilalang, inilalagay ang bawat isa sa kanyang kaukulang uri, upang ang Aking gawain ay maaaring magpatuloy nang mas mabilis at mas mabisa. At kaya nga, ang Aking hinihingi pa rin sa inyo ay ialay mo ang iyong buong pagkatao para sa lahat ng Aking gawa, at, bukod pa, na dapat mong makilalang mabuti at matiyak ang lahat ng gawaing Aking nagawa sa iyo, at ibuhos ang lahat ng iyong lakas sa Aking gawa nang maaari itong maging mas mabisa. Ito ang dapat mong maunawaan. Itigil ang pakikipaglaban sa isa’t isa, ang paghahanap ng daang pabalik, o paghahangad ng mga aliw ng laman, na kung saan maaantala ang Aking gawain at sisira sa iyong magandang kinabukasan. Sa paggawa nito, na malayong mabigyan ka ng proteksyon, ay magdudulot ng iyong pagkawasak. Hindi ba kalokohan ito para sa iyo? Iyang iyong sakim na kinasisiyahan ngayon ay ang mismong bagay na sumisira sa iyong kinabukasan, samantalang ang sakit na iyong pagdurusa ngayon ay ang mismong bagay na nagbibigay ng proteksyon sa iyo. Dapat mong malinaw na malaman ang mga bagay na ito, upang umiwas sa mga tukso mula kung saan mahihirapan kang palayain ang iyong sarili at umiwas na mangapa sa makapal na hamog na humaharang sa araw. Kapag nahahawi ang makapal na hamog, matatagpuan mo ang iyong sarili sa dakilang araw ng paghatol. Sa panahong iyon, ang Aking araw ay napapalapit sa sangkatauhan. Paano mo matatakasan ang Aking paghatol? Paano mo matitiis ang nakapapasong init ng araw? Kapag ipinagkakaloob Ko ang Aking kasaganaan sa tao, hindi niya ito pinapangalagaan sa kanyang dibdib, ngunit sa halip ay isinasantabi ito sa isang lugar kung saan walang makapapansin nito. Sa araw na Ako ay bumababa sa tao, hindi na niya matutuklasan ang Aking kasaganaan o mahahanap ang mga mapapait na salita ng katotohanang Aking sinabi sa kanya matagal na ang nakalipas. Siya ay tatangis at iiyak, sapagkat nawala niya ang kaningningan ng liwanag at nahulog sa kadiliman. Ang inyong nakikita lamang ngayon ay ang matalim na espada ng Aking bibig. Hindi pa ninyo nakikita ang pamalo sa Aking kamay o ang ningas kung saan sinusunog Ko ang tao, at kaya nga kayo ay mapagmalaki at mapagmalabis pa rin sa Aking presensya. Kaya nga lumalaban pa rin kayo sa Akin sa Aking tahanan, nakikipagtalo sa dila ng tao sa yaong Aking nasabi sa Aking bibig. Ang tao ay hindi natatakot sa Akin, at bagaman patuloy na nasa pakikipag-away sa Akin hanggang ngayon, wala pa rin siyang takot. Mayroon kayong dila at ngipin ng hindi matuwid sa inyong mga bibig. Ang inyong mga salita at gawa ay katulad niyong ahas na tumukso kay Eva sa pagkakasala. Hinihingi ninyo sa bawat isa ang mata para sa mata at ngipin para sa ngipin, at nagtutunggali kayo sa Aking presensya para mag-agawan ng puwesto, katanyagan, at pakinabang para sa inyong mga sarili, ngunit hindi ninyo nalalaman na lihim Kong binabantayan ang inyong mga salita at gawa. Bago pa man kayo dumating sa Aking presensya, nasukat Ko na ang kaibuturan ng inyong mga puso. Ang tao ay palaging hinahangad na tumakas sa hawak ng Aking kamay at iwasan ang pagmamasid ng Aking mga mata, ngunit hindi Ako kailanman umilag mula sa kanyang mga salita o gawa. Sa halip, sadya Kong hinahayaan ang mga salita at gawang ito na makita ng Aking mga mata, upang maaari Kong kastiguhin ang pagka-di-matuwid ng tao at ipatupad ang paghatol sa kanyang paghihimagsik. Kaya nga, ang lihim na mga salita at gawa ng tao ay laging nanatili sa harapan ng Aking luklukan ng paghatol, at ang Aking luklukan ng paghatol ay hindi kailanman naalis sa tao, sapagkat naging labis ang kanyang paghihimagsik. Ang Aking gawain ay sunugin at dalisayin ang lahat ng mga salita at gawa ng tao na binigkas at ginawa sa presensya ng Aking Espiritu. Sa paraang ito, kapag nilisan Ko ang daigdig, ang mga tao ay mapapanatili pa rin ang kanilang katapatan sa Akin, at paglilingkuran pa rin Ako gaya ng ginagawa ng Aking mga banal na lingkod sa Aking gawain, hinahayaan ang Aking gawa sa daigdig na magpatuloy hanggang sa araw na maging ganap ito.

Mula sa Mga Pagbigkas ni Cristo ng mga Huling Araw (Mga Seleksyon)